Index   Back Top Print

[ AR  - BE  - BG  - DE  - EN  - ES  - FR  - IT  - JA  - PL  - PT  - RO  - RU  - TL  - UK  - VI  - ZH_CN  - ZH_TW ]

Mensahe ng Santo Papa
para sa Kuwaresma 2022

“Huwag tayong mapagod sa paggawa ng mabuti dahil kung hindi tayo susuko,
tayo ay aani pagdating ng takdang panahon. Kaya’t hanggang may pagkakataon,
gumawa tayo ng mabuti sa lahat ng tao.” (Gal 6: 9-10)

 

Mga minamahal na kapatid,

Ang Kuwaresma ay isang napakagandang panahon para sa pagpapanibago ng ating sarili at ng ating pamayanan dahil inaakay tayo nito sa misteryo paskwal ng pagkamatay at muling pagkabuhay ni Hesukristo. Para sa ating pang-Kuwaresmang paglalakbay ngayong 2022, mabuting pagnilayan natin ang naging pangaral ni San Pablo sa mga taga-Galasya: “Huwag tayong mapagod sa paggawa ng mabuti dahil kung hindi tayo susuko,

tayo ay aani pagdating ng takdang panahon. Kaya’t hanggang may pagkakataon, gumawa tayo ng mabuti sa lahat ng tao” (Gal 6: 9-10).

1. Pagtatanim at Pag-ani

Sa mga salitang ito, sinasamo ng Apostol ang larawan ng pagtatanim at pag-ani na sadyang malapit kay Hesus (cf. Mt 13). Inilalarawan sa atin ni San Pablo ang isang kairós, isang napapanahong panahon, upang tayo ay magtanim ng kabutihan nang may anihin sa kinabukasan. Ano ang “napapanahong panahon” na ito para sa atin? Tiyak na isa sa mga ganitong napapanahong panahon ang Kuwaresma, ngunit gayundin ang kabuuhan ng ating pag-iral na pawang kinakatawan ng Kuwaresma. [1] Madalas sa ating buhay, nangingibabaw sa atin ang kasakiman, kayabangan at ang pagnanasang magkaroon, magkamal at kumunsumo, tulad ng makikita natin sa kuwento ng palalo sa talinghaga sa Ebanghelyo na nag-akalang panatag at kampante na ang kanyang buhay dahil sa labis labis na trigo at kayamanang nakaimbak sa kanyang mga kamalig (cf. Lc 12: 16-21). Inaanyayahan tayo ng Kuwaresma upang magbagong-loob at magbago ng pag-iisip upang mapagtatanto na ang katotohanan at kagandahan sa buhay ay matatagpuan hindi sa pagkakaroon kundi sa pagbibigay, hindi sa pag-iimbak kundi sa pagtatanim at pagbabahagi ng kabutihan.

Ang pinakaunang nagtatanim ay ang Diyos mismo, na dala ng kanyang dakilang pagbubukas-palad ay “patuloy sa paghahasik ng napakaraming binhi ng kabutihan sa ating pamilya ng sangkatauhan” (Fratelli Tutti, 54). Ngayong Kuwaresma, tinatawag tayo upang tumugon sa regalo ng Diyos sa pamamagitan ng pagtanggap sa kanyang salita na “buhay at mabisa” (Heb 4:12). Ang regular na pakikinig sa salita ng Diyos ay ginagawa tayong bukas at masunurin sa kanyang pagkilos (cf. San 1:21) at namumunga ito sa ating buhay. Nagdudulot ito sa atin ng saganang tuwa at tinatawag tayo upang maging mga kamanggagawa ng Diyos (cf. 1 Kor 3:9). Sa wastong paggamit sa panahon natin ngayon,

(cf. Ef 5:16), kaya rin nating maghasik ng mga punla ng kabutihan. Ang paanyayang ito na magtanim ng kabutihan ay dapat nating ituring, hindi bilang pabigat kundi biyaya kung saan hangad ng Manlilikha na tayo ay aktibong makibahagi sa kanyang nag-uumapaw na kabutihan.

Paano naman ang ani? Hindi ba nagtatanim tayo upang umani? Siyempre! Binibigyang tuon ni San Pablo ang mahigpit na kaugnayan ng pagtatanim at pag-ani sa pagsasabi niya na “ang nagtatanim ng kakaunti ay aani ng kakaunti, at ang nagtatanim ng marami ay aani rin ng marami” (2 Kor 9:6).  Ngunit anong uri ba ng ani ang pinag-uusapan natin? Ang mga unang bunga ng kabutihang ating itinatanim ay lumilitaw sa atin mismo at sa ating pang-araw-araw na buhay, kabilang na sa ating mga munting gawain ng kabaitan. Sa Diyos, walang gawain ng pag-ibig, gaano man kaliit, at walang “bukas-palad na pagsisikap” ang masasayang (cf. Evangelii Gaudium, 279). Kung paanong makikilala ang isang puno sa mga bunga nito (cf. Mt 7:16, 20), ang isang buhay na punong-puno ng mabubuting gawain ay magniningning (cf. Mt 5:14-16) at tataglayin ang halimuyak ni Kristo sa mundo (cf. 2 Kor 2:15). Ang paglilingkod sa Diyos nang malaya sa kasalanan ay nagbubunga ng kabanalan para sa kaligtasan ng lahat (cf. Rom 6:22).

Ang totoo, kapiraso lang ng mga bunga ng ating itinanim ang ating nakikita dahil ayon nga sa kasabihan sa Ebanghelyo, “Iba ang nagtatanim at iba naman ang umaani.” (Jn 4:37). Kapag nagtatanim tayo para sa kapakinabangan ng iba, nakikibahagi tayo sa wagas na pagmamahal ng Diyos: “dakila ang kakayahang magsimula ng mga prosesong iba ang makikinabang, taglay ang pag-asa sa natatagong lakas ng kabutihang ipinunla” (Fratelli Tutti, 196). Ang pagtatanim ng kabutihan upang pakinabangan ng iba ay nagpapalaya sa atin mula sa makitid na pansariling interes, pumupuno sa ating mga kilos ng diwa ng pagiging bukas-palad, at ginagawa tayong kabahagi ng kahanga-hangang abot-tanaw ng mapagmahal na plano ng Diyos.

Pinalalawak at itinataas ng salita ng Diyos ang ating pananaw: ipinapahayag nito na ang totoong ani ay eskatolohikal, ang ani ng pinakahuli at hindi na magwawakas na araw. Ang hinog na bunga ng ating mga buhay at mga gawa ay “bunga para sa buhay na walang-hanggan” (Jn 4:36), ang ating “kayamanan sa langit” (Lk 12:33; 18:22). Ginagamit mismo ni Hesus ang larawan ng binhi na namamatay sa lupa upang mamunga bilang simbolo ng misteryo ng kanyang kamatayan at muling pagkabuhay (cf. Jn 12:24); habang si San Pablo naman ay ginagamit ang parehong imahe upang ilarawan ang muling pagkabuhay ng ating mga katawan: “Ganyan din sa muling pagkabuhay ng mga patay. Ang inilibing ay mabubulok, ngunit hindi mabubulok kailanman ang muling binuhay; walang karangalan at mahina nang ilibing, marangal at malakas sa muling pagkabuhay; inilibing na katawang pisikal, muling mabubuhay bilang katawang espirituwal” (1 Kor 15:42-44). Ang pag-asa ng muling pagkabuhay ang dakilang liwanag na hatid ni Kristong Muling Nabuhay sa daigdig sapagkat “kung ang pag-asa natin kay Kristo ay para lamang sa buhay na ito, tayo na ang pinakakawawa sa lahat ng tao. Ngunit sa katunayan si Kristo ay muling binuhay bilang mga unang bunga ng lahat ng nahimbing.” (1 Kor 15:19-20). Ang mga mahigpit na kaisa niya sa pag-ibig “sa isang kamatayang katulad ng kanyang kamatayan” (Rom 6: 5) ay makakaisa rin niya sa kanyang muling pagkabuhay sa buhay na walang hanggan (cf. Jn 5: 29). “Ang mga gumagawa ng matuwid ay magliliwanag na parang araw sa kaharian ng kanilang Ama” (Mt 13: 43).

2. “Huwag tayong mapagod sa paggawa ng mabuti”

Pinasisigla ng Muling Pagkabuhay ni Kristo ang ating pag-asa dito sa lupa sa “dakilang pag-asa” ng buhay na walang hanggan at sa gayon ay itinatanim sa kasalukuyan ang binhi ng kaligtasan (cf. BENEDICTO XVI, Spe Salvi, 3; 7). Dala ng mapait na pagkabigo sa mga nasirang pangarap, matinding pag-aalala sa mga pagsubok na darating o paghihina ng loob dahil sa ating kasalatan, maaari tayong matuksong unahin ang ating sariling kapakanan at magpakamanhid sa pagdurusa ng iba. Kahit ang ating pinakamagagandang katangian ay may limitasyon rin: “Kahit na ang mga kabataan ay napapagod at nanlulupaypay” (Is 40:30). Ngunit ang Diyos ay “pinapalakas ang mahihina't mga napapagod, muling lumalakas at sumisigla ang nagtitiwala kay Yahweh. Lilipad silang tulad ng mga agila. Sila'y tatakbo ngunit hindi mapapagod, sila'y lalakad ngunit hindi manghihina” (Is 40:29, 31).  Tinatawag tayo ng panahon ng Kuwaresma na ibaling ang ating pananampalataya at pag-asa sa Panginoon (cf. 1 Ped 1:21) dahil tanging sa pagtuon ng ating pagtingin kay Kristong muling nabuhay (cf. Heb 12:2) natin magagawang sundin ang panawagan ng Apostol, “Huwag tayong mapagod sa paggawa ng mabuti” (Gal 6: 9)

Huwag tayong mapagod sa pagdarasal. Tinuruan tayo ni Hesus na “laging manalangin at huwag mawalan ng pag-asa” ( Lc 18:1). Kailangan nating magdasal dahil kailangan natin ang Diyos. Ang pag-aakalang wala na tayong ibang kailangan maliban sa ating sarili ay isang mapanganib na ilusyon. Kung pinaigting man ng pandemya ang ating kamalayan ng ating karupukan bilang mga indibidwal at lipunan, itulot nawa ng Kuwaresmang ito na maranasan natin ang pagpapalakas ng loob na dulot ng pananampalataya sa Diyos, na kung wala ay hindi natin magagawang tumayo nang matatag (cf. Is 7:9). Walang naliligtas nang mag-isa dahil tayong lahat ay nasa iisang bangka sa gitna ng mga unos ng kasaysayan [2] at tiyak na walang naliligtas nang wala ang Diyos dahil tanging ang misteryo paskwal ni Hesukristo ang nakapagtatagumpay sa madidilim na tubig ng kamatayan. Hindi tayo inililigtas ng pananampalataya sa mga pasanin at hirap ng buhay, ngunit tinutulutan tayo nitong harapin ang mga ito na kaisa ang Diyos kay Kristo, taglay ang dakilang pag-asang hindi bumibigo, na ang sangla ay ang pag-ibig ng Diyos na ibinuhos sa ating mga puso sa pamamagitan ng Espiritu Santo (cf. Rom 5:1-5).

Huwag tayong mapagod na bunutin ang kasamaan sa ating buhay. Palakasin nawa ng pag-aayuno sa katawan na inuudyok sa atin ng Kuwaresma ang ating kalooban sa pakikibaka laban sa kasalanan. Huwag tayong mapagod humingi ng kapatawaran sa Sakramento ng Pagbabalik-loob at Pakikipagkasundo, batid na hindi nagsasawang magpatawad ang Diyos. [3] Huwag tayong mapagod labanan ang tawag ng laman, ang kahinaang nagtutulak sa pagkamakasarili at lahat ng kasamaan at nakatatagpo sa iba’t-ibang yugto ng kasaysayan ng iba’t-ibang paraan upang ibuyo ang mga tao sa pagkakasala (cf. Fratelli Tutti, 166). Isa sa mga ito ang pagkalulong sa digital media na nagpapalabnaw sa ating mga ugnayan bilang tao. Ang Kuwaresma ay isang magandang panahon upang labanan ang mga tuksong ito at payabungin sa halip ang isang anyo ng komunikasyong pantao na mas pangkabuuhan (ibid., 43) at binubuo ng mga tunay na pakikipagtagpo (ibid., 50) na mukha-sa-mukha at tao-sa-tao.

Huwag tayong mapagod na gumawa ng mabuti sa aktibong pagkakawanggawa sa ating kapwa. Ngayong Kuwaresma, gampanan nawa natin ang paglilimos sa pamamagitan ng pagbibigay nang bukal sa loob (cf. 2 Kor 9: 7). Ang Diyos na “nagbibigay ng binhing itatanim at tinapay na makakain” (2 Kor 9: 10) ang nagtutulot sa bawat isa sa atin na hindi lamang may makain ngunit may maibahagi rin sa kapwa. Bagamat totoo na nariyan ang kahabaan ng ating buhay upang magtanim tayo ng kabutihan, samantalahin natin nang husto ang panahong ito ng Kuwaresma upang kalingain ang malalapit sa atin at abutin ang ating mga kapatid na sugatan sa tabi ng daan ng buhay (cf. Lk 10: 25-37). Ang Kuwaresma ay isang katanggap-tanggap na panahon upang hanapin sa halip na iwasan ang mga nangangailangan; upang abutin at hindi magbingi-bingihan sa mga nangangailangan ng makikinig at magpapagaan ng kanilang loob; upang dalawin at hindi pabayaan ang mga nalulumbay. Isakatuparan natin ang ating tawag na gumawa ng mabuti sa lahat at maglaan ng oras upang mahalin ang mga dukha at salat, pinabayaan at inayawan, minaliit at isinantabi (cf. Fratelli Tutti, 193).

3. “Kung hindi tayo susuko, tayo ay aani pagdating ng takdang panahon”

Taon-taon tuwing Kuwaresma, ipinapaalala sa atin na ang “kabutihan, pati na ang pag-ibig, katarungan at pagdadamayan ay hindi nakakamit nang minsanan at pang-habambuhay; kailangan itong pagtagumpayan araw-araw” (ibid., 11). Hilingin natin sa Diyos ang matiyagang pagsusumikap ng magsasaka (cf. San 5: 7) at magpursigi sa paggawa ng kabutihan nang paisa-isang hakbang. Kung nadadapa tayo, iunat natin ang ating kamay sa Ama na lagi tayong ibinabangon. Kung nawawala tayo, kung naililigaw tayo ng mga pang-aakit ng kaaway, huwag tayong mag-atubiling bumalik sa Diyos na “sagana kung magpatawad” (Is 55: 7). Sa panahong ito ng pagbabagong-buhay, sa tulong ng Diyos at pakikipagkaisa ng Simbahan, huwag tayong mapagod sa paggawa ng kabutihan. Ang lupa ay binubungkal ng pag-aayuno, dinidilig ng panalangin at pinatataba ng pagkakawanggawa. Manalig tayo nang lubos na “kung hindi tayo susuko, aani rin tayo sa takdang panahon” at sa biyaya ng pagpupursigi, makakamtan natin ang ipinangako (cf. Heb 10: 36) para sa ating kaligtasan at sa kaligtasan ng iba (cf. 1 Tim 4: 16). Sa pagpapayabong ng ating pagmamahal sa isa’t-isa bilang magkakapatid, nagiging kaisa tayo ni Kristo na nag-alay ng kanyang buhay para sa atin (cf. 2 Kor 5: 14-15) at pinagkakalooban tayo ng isang patikim ng ligaya sa kaharian ng langit kung saan ang Diyos ay magiging “lahat sa lahat” (1 Kor 15: 28).

Nawa ang Birheng Maria, na nagdala sa Tagapagligtas sa kanyang sinapupunan at “nag-ingat sa lahat ng mga ito sa kanyang puso” (Lc 2: 19) ang magkamit para sa atin ng biyaya ng pagtitiyaga. Samahan nawa niya tayo ng kanyang maka-inang presensya upang ang panahong ito ng pagbabagong-loob ay magdulot ng mga bunga ng walang-hanggang kaligtasan.

Roma, San Juan de Letran, 11 Nobyembre 2020, Paggunita kay San Martin Obispo.

Francisco

 


[1] Cf. SAN AGUSTIN, Serm. 243, 9,8; 270, 3; En. in Ps. 110, 1.

[2] Cf. Di-Pangkaraniwang Sandali ng Panalangin na pinangunahan ni Papa Francisco (27 Marso 2020).  

[3] Cf. Angelus, 17 Marso 2013.



Copyright © Dicastero per la Comunicazione - Libreria Editrice Vaticana